5.18 Hindi ba’t mas mabuti ang magdasal kaysa pumunta sa manggagamot?
Ayon sa iba ang pagpunta sa manggagamot ay kawalan ng pananampalataya. Hindi ba’t sinabi ni Hesus: “Humingi kayo at kayo'y bibigyan” (Mateo 7:7). At inaanyayahan tayo ng Bibliya na maniwala sa himala dahil “Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay” (Mateo 19:26). Gayunman, ang pananamtalataya ay dapat ipinahahayag at sinusuportahan ng ating mga kilos. Hindi maaaring iiwan natin ang lahat ng ito sa Diyos: tayo ay dapat makiisa sa kanyang biyaya. Sinabi ni Hesus: “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit” (Mateo 9:12). Pinatunayan niya na nararapat tayong pumunta sa manggagamot kapag tayo ay may sakit. Ang ating buhay at katawan ay kaloob mula sa Diyos, at tungkulin natin na gawin ang lahat nang nararapat upang mapangalagaan ito. Kabilang dito ang pagpunta sa manggagamot kung kinakailangan. Malinaw ito sa simula pa lamang. Halimbawa, si San Lucas ay isang manggagamot (Colosas 4:14) at ang unang mga ospital ay itinatag ng Simbahan [>2.25].
Bagamat ipinagagawa sa atin ang buong makakaya natin upang pagalingin ang ating katawan, mahalaga rin na magdasal: “May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya” (Santiago 5:13). Kapag mayroong sinuman na malubha ang karamdaman, huwag mag-atubiling tumawag ng pari upang ipanalangin sila. Maari at dapat nating hilingin sa Diyos anuman ang mga pangangailangan natin. Ngunit ano ang kahalagahan ng pananampalataya natin kung hindi natin ito ipinapahayag sa gawa? Sabi ni San Santiago: “Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa” (Santiago 2:17). Sa kalagayang ito, ang “gawa” ay pangalagaan ang ating katawan, kumunsulta ng manggagamot kung kinakailangan.