5.14 Hindi ba mapagkunwari ang bumaling sa Diyos tuwing may krisis lamang?
Marahil ay hindi ka nananampalataya sa pang-araw-araw na buhay. Ngunit ngayong nagiging malupit ang mga bagay-bagay nadarama mo ang pangangailangang bumaling sa Diyos. Gawin ito nang walang takot at nang buong puso! Ang Diyos ay laging narito para sa iyo, hinihintay ka niya sa sandaling ito. Hindi siya interesado sa iyong mga pagkakamali at mga sala: importante ka sa kanya dahil mahal ka niya! Nais ka niyang patawarin sa lahat ng iyong kasalanan. Humiwalay ka lamang sa kasalanan at tanggapin ang buhay na puno ng kagalakan kasama ang Diyos. Ito ang tamang panahon!
Maaaring sumagi sa iyong isipan na ikaw ay masyadong makasalanan para bumaling sa Diyos. Kung gayon, basahin ang talinghaga na ibinahagi ni Hesus sa kanyang mga disipulo tungkol sa alibughang anak (Lucas 15:11-32). Nasa kanya na ang lahat ngunit tinalikuran niya ito at iniwan ang kanyang ama para sa makasalanang buhay. Nang magkaroon ng delubyo at wala siyang mapuntahan, bumalik siya sa kanyang ama. Ang ama ay inaabangan siya araw-araw, umaasa na babalik ang kanyang anak. Sa halip na magbitaw ng masasakit na salita o parusa, nagkaroon ng pagdiriwang at pista dahil nagbalik ang kanyang nawawalang anak. Ganito rin ang mangyayari sa iyo sa iyong pagbalik sa Diyos sa panahon ng krisis!